Sinabi ni Senador Bam Aquino na mahigit 27 milyong mag-aaral mula K–12 hanggang kolehiyo ang makikinabang sa panukalang P1.38-trilyong pondo para sa edukasyon sa 2026, na itinuturing na pinakamataas na alokasyon sa kasaysayan ng bansa.

Ayon kay Aquino, malinaw na prayoridad ng gobyerno ang kinabukasan ng kabataan kaysa sa mga kuwestiyonableng proyekto.
Ayon kay Aquino, ang malaking budget ay nagpapakita ng pambansang commitment na palakasin ang kalidad ng klase, pondohan ang feeding programs, at magbigay ng libreng kolehiyo sa higit limang milyong estudyante.
Kasama sa alokasyon ang P65 bilyon para sa pagtatayo ng 30,000 bagong silid-aralan, na layong tugunan ang tinatayang 165,000 classroom backlog, at P27 bilyon para sa School-Based Feeding Program, na palalawigin mula 120 araw ng pagkain sa klase hanggang buong 200 araw para sa Kindergarten at Grade 1, pati na rin sa targeted feeding para sa Grade 2 hanggang 6.

Ang P1.38 trilyong budget ay sumusuporta rin sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Dahil dito, 5.7 milyong estudyanteng Pilipino ay makakapag-aral sa kolehiyo nang libre sa 113 state at local universities.
Bukod dito, may dagdag na allowance para sa mga estudyanteng vulnerable, student nurses na may RLE fees, at mga kabataang nanganganib huminto sa pag-aaral.
Ngunit, babala ni Aquino, hanggang hindi pa naipapasa sa bicameral conference at pinipirmahan ng Presidente, nananatiling delikado ang pondo. Hinimok niya ang publiko na bantayan ang proseso, lalo na’t sa unang pagkakataon ay na-livestream ang bicam deliberations.

Aniya, mahalaga na sa huling bersyon ng budget, siguraduhin na nananatili ang pondong nakalaan para sa edukasyon.
“Malaki po ang pondo pero hindi pa tapos ang laban,” ani Aquino. | BChannel news





