
Muling namayagpag ang bandera ng Pilipinas sa buong mundo matapos masungkit ng mga estudyante mula sa Batangas State University, The National Engineering University, ang titulong World Champion sa World Robot Olympiad Singapore 2025.
Ginawa ang international finals sa Sands Expo and Convention Centre, Marina Bay Sands noong November 26 hanggang 28, at nakipaglaban ang BatStateU sa mga pinakamahusay na kabataang innovators mula sa iba’t ibang bansa.
Pinangunahan ng Team Scarlet-Verdant BSU ang panalo matapos mag-rank number 1 sa RoboSports—Double Tennis category. Tinalo nila ang matitinding delegasyon mula Thailand at Taiwan na pumangalawa at pumangatlo.
Ang grupo ay binubuo nina Joseph Bernard Maala, estudyante ng BS Mechatronics Engineering mula BatStateU Alangilan, at sina Light Gabriel Bandayrel at Norjeehan Nasser, parehong Grade 11 ng BatStateU Integrated School. Sila’y nagpakitang-gilas sa pagdisenyo at pag-program ng autonomous robots na kayang mag-coordinate at mag-desisyon nang mabilis habang nasa laro.
Sa Double Tennis challenge, dalawang robots ang kailangang gumalaw nang sabay para itulak ang lahat ng bola sa kabilang side ng field sa loob lamang ng dalawang minuto. Nangibabaw ang BatStateU sa bilis, talino ng robot, precision, at game strategy kung saan patunay ng malakas na robotics program ng unibersidad at ng pagtutok nito sa STEM education para sa kabataang Pilipino.
Ayon kay University President Dr. Tirso Ronquillo, ang panalo ay patunay ng talento at determinasyon ng mga estudyante, at ng misyon ng BatStateU na maghubog ng globally competitive innovators na nagbibigay karangalan sa bansa.
Hindi lamang Team Scarlet-Verdant ang nag-uwi ng tagumpay. Nagpakita rin ng matitibay na performance ang iba pang koponan ng BatStateU. Pumwesto ang Team BSU-IS GMR sa ika-12 out of 56 teams sa RoboSports; ang Team JEEP ay 16th sa Future Engineers—Self-Driving Car; Team SCOPE, 16th sa Senior Future Innovators; Team HUREA, nasa 22nd place sa Elementary Future Innovators; at Team BSU-IS ALR, 24th sa Senior RoboMission mula sa 95 teams.
Kinikilala rin ang naging gabay ng kanilang coaches na sina Luis Philip Oropesa, Eugene Mendoza, at Jomari Montalbo, na patuloy na nagpapalakas sa tradisyon ng robotics excellence ng BatStateU.
Ang World Robot Olympiad ay isa sa pinakamalaking robotics competitions sa mundo, na naglalayong hubugin ang bagong henerasyon ng STEM leaders. | JPamintuan, BChannel news | 📸 Mylene Abiva




