Bangkay ng Batang Babae, Natagpuan sa Loob ng Sako sa Sto. Tomas City, Batangas

Isang bangkay ng batang babae ang natagpuan sa loob ng isang puting sako sa Sto. Tomas City, Batangas, madaling araw ng Disyembre a-20.

Ayon sa Sto. Tomas City Police Station, bandang alas-6 ng umaga nang madiskubre ang katawan sa Section 12, Block 4, Phase 1 ng Blue Isle Subdivision sa Barangay Sta. Maria, at naiulat ito sa pulisya bandang alas-7:55 ng umaga.

Natagpuan ang biktima na nakahandusay sa gilid ng kalsada, katabi ng isang konkretong pader at bahagyang natatakpan ng makapal na mga halaman.

Rumesponde ang mga imbestigador na pinamunuan ni Police Lieutenant June Evangelista upang magsagawa ng paunang imbestigasyon.

Sa unang salaysay, huling nakita ang biktima bandang alas-10 ng umaga noong Disyembre a-19 at kalaunan ay iniulat na nawawala sa barangay.

Kinabukasan ng umaga, isang concerned citizen ang nakadiskubre ng katawan ng bata sa loob ng sako.

Positibo namang kinilala ng tiyahin ang biktima na kilala sa alyas na “Maria.”

Sa follow-up operation, agad na naaresto ang dalawang suspek matapos makuha ang CCTV footage na nagpapakitang pumasok ang bata sa bahay ng alyas “Leo” at hindi na lumabas.

Nakuhanan din sa video ang suspek na may bitbit na sako. Sa imbestigasyo ng mga awtoridad, itinuro ni Leo ang kasama niyang si “Jay,” na naaresto rin at nakuhaan umano ng anim na pakete ng shabu.

Ayon sa pulisya, ang biktima ay binigti umano gamit ang kable ng cellphone charger at may mga senyales din ng panggagahasa.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa karumal-dumal na krimen. | BChannel news

Related posts