Pinuna ng Commission on Audit ang Department of Education matapos madiskubre ang umano’y “ghost students,” dobleng listahan, at hindi kwalipikadong benepisyaryo sa Senior High School Voucher Program para sa school years 2022–2023 at 2023–2024.
Ayon sa COA, may mga estudyanteng nakalista ngunit hindi pumapasok, may ibang campus ang sinisingilan kahit sa iba nag-aaral, at may paulit-ulit na pangalan at learner reference number na nagresulta sa mahigit P868,500 na sobrang bayad.
Mayroon ding mga estudyanteng galing sa high-tuition private schools na nakatanggap ng vouchers, kabilang ang 3,356 learners na umabot sa P62.9 milyon ang kabuuang halaga.
Sinabi ng COA na huli na ang ginawang validation ng DepEd at kulang ang malinaw na pamantayan sa pagiging kwalipikado. Dahil dito, nanganganib ang wastong paggamit ng pondo na dapat sana’y para sa mga kapos-palad na mag-aaral.
Bilang tugon, sumang-ayon ang DepEd na maglatag ng mas malinaw na eligibility rules batay sa kita at socio-economic status upang masigurong napupunta ang tulong sa tunay na nangangailangan.




