DPWH Usec. Cathy Cabral, sa bahay unang tinangka na tapusin ang buhay ayon sa abogado

Isiniwalat ng abogado ni dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral na ilang araw matapos ang isang pagdinig sa maanomaliyang flood control projects, tinangka umanong wakasan ng kaniyang kliyente ang sariling buhay.

Ayon kay Atty. Mae Divinagracia, nangyari ito matapos idawit si Cabral sa pagdinig ng dating DPWH official na si Roberto Bernardo, na nag-akusa sa kaniya ng umano’y pagkontrol sa National Expenditure Program ng ahensya. Sinabi ng abogado na nagtangka si Cabral na saktan ang sarili sa kanilang bahay ngunit napigilan ng kaniyang anak.

Inilarawan ito ng abogado bilang “tipping point,” na sinabing nag-ugat sa pagtanggal kay Cabral sa puwesto sa pamamagitan ng courtesy resignation, kasabay ng imbestigasyon at pagkawala umano ng kaniyang retirement pay matapos ang halos 40 taong serbisyo sa DPWH.

Sa araw ng kaniyang pagkamatay, dalawang beses umanong huminto si Cabral sa may Kennon Road upang suriin ang bangin, base sa salaysay ng kaniyang driver. Napansin din umano ng abogado ang mga palatandaan ng depresyon, bagamat tumanggi si Cabral na humingi ng propesyonal na tulong.

Matatandaang natagpuan ang labi ni Cabral noong Disyembre 18 sa isang bangin sa Kennon Road, Tuba, Benguet.

Related posts