Inanunsyo ng Department of Justice na 57 piraso ng buto ang narekober sa Taal Lake matapos ipagpatuloy ang search and retrieval operations para sa mga nawawalang sabungero.
Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, nakuha ang mga buto sa magkakahiwalay na operasyon noong Nobyembre 6, 17, at 18.
Noong Nobyembre 6, nakakuha ng 25 hinihinalang human skeletal remains.
Sa operasyon noong Nobyembre 17, natagpuan naman ang itim na pantalon na may sinturon, puting brief, isang pirasong tela, at anim na buto. Noong Nobyembre 18, 26 pang buto ang na-recover.
Sinabi ng DOJ na nagpapatuloy ang diving operations, kahit minsan ay naaantala dahil sa mahinang visibility sa ilalim ng tubig.
Mula Hulyo hanggang Oktubre, umabot na sa 60 operasyon ang naisagawa at halos 1,000 piraso ng buto ang naipasa para sa pagsusuri.
Patuloy ang imbestigasyon sa pagkawala ng mga sabungerong naitalang nawawala mula 2021 hanggang 2022, na sinasabing dinukot dahil sa umano’y dayaan sa sabong. May whistleblower pang nagsabing higit 100 sabungeros ang pinaslang at itinapon sa lawa.
Pero ayon sa DOJ, wala pang tumutugmang DNA result mula sa mga ebidensyang nakuha, kahit may 33 pamilya nang nagbigay ng sample.
Kasabay nito, nire-review ng DOJ ang reklamong murder laban kina Charlie “Atong” Ang, Gretchen Barretto, at iba pang personalidad kaugnay ng kaso. | BChannel news





