Inanunsyo ng Department of Budget and Management o DBM na ang Department of Education ay kwalipikado na para sa Performance-Based Bonus o PBB para sa Fiscal Year 2023.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang pagkilala sa mga empleyado ng DepEd, kasama na ang mga guro, ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang kilalanin ang mahalagang papel ng mga guro sa pagpapatibay ng sistema ng edukasyon sa bansa.
Samantala, inihayag din ni House Committee on Appropriations Chair Mikaela Angela Suansing na magtatagpo ang Technical Working Group sa Sept. 30 upang pormal na aprubahan ang PBB para sa DepEd.
Batay sa Memorandum Circular No. 2023-1, ang mga ahensya ay kailangang makamit ang requirements sa apat na dimensyon ng accountability: performance, proseso, pinansyal, at client satisfaction, at makakuha ng hindi bababa sa 70 puntos para maging kwalipikado.






