Pagdiriwang ng mas makulay na Pasko at Kultura sa bayan ng Taal, Batangas, inaabangan na!

Hinihikayat ng Lokal na Pamahalaan ng Taal sa Batangas ang lahat ng turista, residente, at mga Batangueño na makisaya sa pagsalubong ng Kapaskuhan at sa taunang pagdiriwang ng mayamang kultura ng bayan.

Sa pangunguna ni Mayor Naereeza “Nene” Bainto, ilulunsad ang “Paskong Taal” Fiesta and Christmas Celebration, kung saan isang buwang selebrasyon na puno ng ilaw, tugtugan, sining, at tradisyong Taaleño.

Magbubukas ang Paskong Taal Village sa isang seremonya sa December 1, alas-5;30 ng hapon sa Taal Social Plaza. Dito rin sabay-sabay bubuksan at papailawin ang Taal Social Plaza at Taal Park, na inaasahang magiging tampok ng holiday lights display ngayong taon.

Sa December 2 naman, sisimulan ang masayang kompetisyon na Himig ng Pasko Choir Competition, alas-6 ng gabi sa Taal Social Plaza, kung saan bibida ang iba’t ibang grupo sa kanilang kakaibang awiting pamasko. Susundan ito sa December 3 ng Indak ng Pasko Modern Folk Dance Competition, na maghahalo ng makabago at tradisyunal na sayaw bilang pagpapakita ng talento ng kabataang Taaleño.

Samantala sa December 4, tampok ang Burda at Likhang Taal, isang fashion show at pop-up fair na magpapakita ng galing ng lokal na manlilikhang Taaleño. Gaganapin ito alas-6 ng gabi sa Taal Social Plaza.

Para naman sa mga nakatatanda, nakalaan ang Discohan sa Taal, Senior Citizens’ Night sa December 5. Sa December 6, ililipat ang kasiyahan sa Taal Park para sa Tugtugan sa Taal Park, isang free jam at open mic night para sa mga musikero at sinumang gustong magbahagi ng talento.

Kaabang abang rin ang Mutya ng Taal Coronation Night sa December 7, alas-6 ng gabi sa Taal Social Plaza, kung saan pararangalan ang bagong pambato ng bayan.

Magsasagawa naman ng Fluvial Procession ng Birhen ng Caysasay sa December 8. At bilang huling bahagi, magpapatuloy ang ligaya hanggang December 9, sa pagdiriwang ng mismong Pista ng Bayan ng Taal.

Layon ng buong selebrasyon na buhayin ang diwa ng Pasko habang itinatampok ang kultura, sining, at pagkakaisa ng mga taga-Taal.

Ayon sa lokal na pamahalaan, bukas ang lahat ng aktibidad para sa publiko at hinihikayat ang lahat na makiisa sa mas makulay na Kapaskuhan sa bayan ng Taal. | JPamintuan, BChannel news

Related posts