PCIC, naglabas ng P571.3-M insurance payout para sa mga nasalantang magsasaka

Naglaan ng paunang P571.3 million ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para matulungan ang mga magsasakang tinamaan ng Super Typhoon Uwan at Typhoon Tino.

Ayon sa Department of Agriculture, umabot sa 65,176 insured farmers mula sa 14 rehiyon ang naapektuhan, kung saan pinakamalaking pinsala ang naitala sa palay, mais, at high-value crops. Tinatayang PHP147.3M ang lugi sa palay, P55.6M sa mais, at P224.3M sa high-value crops.

Pinakamaraming claimants ang Region 5 (Bicol), kabilang ang tinamong pinsala sa Catanduanes, na may mahigit 10,900 magsasaka at posibleng payout na P119.4M.

Inatasan ni PCIC head Jovy Bernabe ang kanilang mga regional teams na manatiling nasa field para pabilisin ang pagproseso ng claims at maiwasan ang pagkaantala sa kabuhayan ng mga magsasaka.

Umakyat na sa P4.13 billion ang kabuuang agricultural damage, na sumira sa halos 44,000 ektarya ng taniman at nakaapekto sa produksyon ng pananim, niyugan, livestock, poultry, fisheries, at iba pang pasilidad.

Related posts