Libo-libong volunteers sa San Pablo City, Laguna ang nagsama-sama ngayong umaga, August 29, para magtala ng Guinness World Record sa sabayang pagtatanim ng niyog sa iba’t ibang barangay.

Personal na nagtungo mula India si Mr. Swapnil Dangarikar, opisyal na adjudicator ng Guinness, para i-verify at kumpirmahin ang record attempt.
Ayon kay Mayor Najie B. Gapangada Jr., tinugon ng lungsod ang hamon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtanim ng milyon-milyong punong niyog sa buong bansa. Umabot sa 10,000 seedlings ang itinanim sa 11 rural barangays.

Hindi lang aniya world record ang layunin, kundi simula ito ng tatlong taong coconut planting program para muling ibalik ang San Pablo bilang top coconut producer sa bansa.
Kasabay nito, malaking tulong din ang replanting sa kalikasan at sa ekonomiya, lalo na’t inaasahang palalawakin ang operasyon ng Franklin Baker Company sa bagong agri-industrial zone ng lungsod sa ilalim ng pangangasiwa ni Manuel V. Pangilinan — na magbibigay ng mas maraming trabaho para sa mga San Pableño.

Ang proyekto ay pinangunahan ng Maiba Naman Movement at One San Pablo Movement katuwang ang lokal na pamahalaan, at sinuportahan ng mga opisyal ng probinsya at ng Department of Agriculture.
Naging makabuluhan ang Guinness World Record attempt kasabay ng pagdiriwang ng National Coconut Week ngayong huling linggo ng Agosto.
Dumalo at sumuporta rin sa kaganapan ang ilang local at provincial leaders kabilang sina Governor Sol Aragones na kinatawan ni Vice Mayor Antonio Aurelio, Vice Governor Atty. JM Carait, mga board members at city councilors, pati na ang mga kinatawan mula Department of Agriculture at Philippine Coconut Authority. | BChannel NEWS






